Opinion,  That's Life!

Licensure Exams para sa Journalists: Dapat ba?

“The pen is mightier than the sword.” Hindi maipagkakaila na may ibang kalakasang taglay ang mga salita. Higit na malakas pa nga ang mga ito kaysa mga armas o sa ano mang uri ng dahas. Bagamat walang tao ang may monopolyo sa paggamit ng mga salita, may ilang grupo ng mga tao na nanatiling supremo sa larangang ito. Sila ang mga taong aral sa pagpapalaganap ng mga ideolohiya at pagpapahayag. Sila ang mga taong gamay na ang mga pasikot-sikot sa komunikasyong pangmadla. Sila ang tinatawag nating “media”. Ano nga ba ang “media”? Ito ang iba’t ibang paraan ng pagpapahayag na kalimitang nakikita natin sa telebisyon, radyo, o internet.

Kilala rin bilang “ikaapat na sangay ng gobyerno”, ang kakayahan ng midya sa pagbuo ng opinyon ng mga tao ay hindi pwedeng basta-basta na lang balewalain. Sa katunayan nga na kahit ang ating Saligang-Batas ay kinikilala ang kapangyarihan ng midya sa larangan ng pagpapalaganap ng mga ideolohiya. Ayon dito, ang pagmamay-ari at ang pamamalakad ng “mass media” ay nililimitahan lang sa mga Pilipino o Pilipinong korporasyon o asosyayson, at walang kahit sinomang dayuhan ang maaring mag may-ari ng kahit anong “share” o “stock” sa mga ganitong klase ng kompanya. Dito pa lamang ay maikita na natin na iba ang dulot na impluwensya ng “mass media” sa madla kaya naman minarapat ng ating mga mambabatas na limitahan ang pagpapalakad ng mga ito sa ating mga Pilipino lamang.

Bukod pa rito, ilan na nga ba sa atin ang nabibiktima ng mga “fake news” na kumakalat ‘di lamang sa social media kungdi pati na rin sa mga telebisyon at radyo? Sa mga mapanuring tagapakinig at mambabasa ay madaling malaman kung ang balitang kumakalat ay totoo o hindi. Subalit sa mga ordinaryong konsumer ng produkto ng midya ay hindi ganoon kadaling kumilatis ng mga naririnig o nababasa.

Ayon sa isang Amerikanong sociologist na si Robert McChesney, ang midya ngayon ay nahuhubog ng dalawang kaisipan –“sensationalism” at “simplification”. Ang “sensationalism” ay tumutukoy sa paraan ng pagpupukaw ng mga interes at damdamin ng mga tao nang hindi inaalintana kung tiyak ba ang payahag patungkol sa tunay na nangyari. Isang paraan nito ang pagsabi ng “Libu-libong mga magsasaka ang pumunta sa Mendiola para mag-welga.”, kahit sa katunayan ay hindi pa nga aabot ng isang daan ang nakilahok sa protesta. Sa kabilang dako, ang “simplification” naman ay ang paraan ng midya sa pagbigay ng impormasyon sa tao na ang mga detalye ay masyado nang pina-simple na nawawalan na ng kabuluhan at saysay ito sa lipunan. Isang halimbawa nito ang balitang lumipad daw mag-isa patungong Estados Unidos ang Megastar na si Sharon Cuneta. Ani McChesney, ang mga pamamaraan na ito ng pagpapahayag ay umuugat sa tinatawag niyang “hypercommercialization” ng midya. Ang midya, sa penomenang ito, ay mas bibinigyang halaga ang pagbenta ng kanilang mga istorya at ang kumita kaysa magpahayag ng de kalidad na balita at impormasyon sa madla.

Dahil sa mga ganitong kasanayan sa industriya, marahil ay nararapat nang magkaroon ng mas mahigpit na regulasyon para sa mga mamahayag. Isa sa mga paraan para dito ay ang pagkakaroon ng “licensure examinations” upang maging ganap na propesyon ang pagpapahayag. Hindi na bago ang ganitong klase ng proposisyon sa larangan ng pagpapahayag. Bagamat hindi mandatori ang “licensure examinations” sa Estados Unidos, mayroon nang umuusbong na kaasanayan sa industiya ng media na maihahalintulad na rin sa pagkakaroon ng “licensure examinations”. Tinatawag nila ito na “media credentialing”. Sa kagawiang ito, may limitado lamang na mga mamamahayag ang maaring mag ensayo ng kanilang propesyon sa isang ispesipikong “beat”. Sa bansang Italya naman ay kinakailangan ng mga mamamahayag na sumailalim sa isang “internship” sa loob ng labing-walong buwan at kumuha ng “written” at “oral examinations” upang maging miyembro ng “Order of Journalists”. Tanging ang mga miyembro lamang ng grupong ito ang pwedeng maging lehitimong mamamahayag sa kanilang bansa.

Isa sa mga dahilan ng pagtutol ng iba sa ganitong proposisyon ay ang sinasabing karapatan ng bawat mamayan sa malayang pagpapahayag na pinoprotektahan ng ating Saligang-Batas. Bago pa magkaroon ng maling ideya ang lahat, marapat siguro na banggitin na ang pagkakaroon ng “licensure exams” ay limitado lang sa mga tao na nais gawing propesyon ang peryodismo at pagpapahayag at hindi nito sakop ang mga ordinaryong mamayan na nais maghayag ng kani-kanilang mga kuro-kuro o hinaing sa anumang uri ng paraan. Subalit kung ang mga opinyon na ito ay ipinapalabas bilang tunay na pangyayari o tunay na balita, ito ay ibang usapan na. Samakatuwid, ang mga ordinaryong mamamayan ay nanatiling may karapatan magpahayag ng kanilang sarili kaya walang nangyayaring pagtapak sa karapatan sa ilalim ng ating Saligang-Batas. Ang pagkakaroon ng “licensure examinations” ay isang paraan ng estado para masigurong napoprotektahan ang mga interes at kapakanan ng bawat mamamayan. Ika nga sa legalismong mga salita, ito ang paggamit ng “police power” ng gobyerno na nagsisilbing balidong limitasyon sa mga karapatan na nakasaad sa ating Saligang-Batas. Sa pagkakaroon ng “licensure examinations” ay matitiyak ng estado na ang mga mamamahayag ay mananatiling totoo sa kanilang propesyon at sila magiging responsableng mamamahayag.

Malaki ang papel ng ginagampanan ng midya sa ating lipunan. Bukod sa bumubuo ito ng opinyon at kaisipan ng mga tao, ito rin ay nagisisilbing mata ng mga mamamayan sa mga nangyayari sa ating bansa. Dahil dito ay nagkakaroon ng pangangailangang bantayan ang pagpapalakad ng mga tao at korporasyon na bumubuo ng midya. Tunay nga na mas makapangyarihan ang mga salita laban sa dahas. Kaakibat ng pagkakaroon ng malaking kapangyarihan ay ang dakilang responsibilidad. Kaya naman tanging ang mga taong mayroon ring dakilang adhikain at moralidad lamang ang dapat humawak ng ganitong klase ng armas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *