Opinion,  Reflections,  That's Life!

Wastong Paggamit ng Teknolohiya

Hindi maipagkakaila na laganap na ang iba’t ibang uri ng teknolohiya na mayroon tayo. Sa pagdating ng Age of Information ay lalong nagiging madali para sa atin ang makakuha ng mga impormasyon tulad ng mga litrato at teksto gamit ang internet. Napakadali na rin ngayon magpalaganap at magpakalat ng mga ideolohiya at kaisipan dahil sa kombenyenteng medyum na ito. Gayunpaman, dahil nagiging madali at simple ang paggamit ng teknolohiyang ito ay madalas nakalilimutan ng marami ang wastong paggamit nito. Marami sa atin ay ginagawang diary o tala-arawan ang internet, lalo na ang mga social media platforms tulad ng Facebook, kung saan tayo ay naglalabas ng ating mga sama ng loob, ng ating mga nararamdaman at saloobin at kung minsan nga ay nagpopost pa ng mga bagay na dapat ay nanatiling pribado lamang.

Sabihin nating totoo nga na ang mga social media ay ginawa upang makibalita sa ating mga kaibigan at balitaan din sila ng mga kaganapan sa ating buhay. Subalit dapat nating tandaan na hindi lahat ng nangyayari sa atin ay dapat nating nilalagay sa ating mga social media accounts lalo na ang mga bagay tulad ng bank account numbers, pribadong mga larawan, at kung anu-ano pang mga detalye tungkol sa buhay natin na maari nating ikapahamak sa kamay ng mga mapagsamantalang mamayan ng internet o netizens. 

Nakasaad sa ating Saligang-Batas na tayo ay may karapatan sa privacy at ito ay pinangangalagaan ng ating estado. Ngunit ang karapatang ito ay hindi maaring gamitin o isamo sa mga awtoridad kung tayo mismo ang nagbibigay dahilan kung bakit ang mga bagay na dapat ay nanatiling pribado ay lumabas sa publiko. Ipinahayag sa isang kaso na dinesisyunan ng ating Pinakamataas na Korte na ang mga bagay na nilalagay natin sa ating social media accounts, tulad ng mga larawan at kung ano pa mang teksto, ay hindi na maaring ituring na pribado, kahit pa sabihin na nakalgay sa “Friends Only” ang setting ng mga post natin. Kaya naman ang larawan ng mga high school students na naka-brasseire lamang na kanilang nilagay Facebook ay tamang tinanggap ng kanilang paaralan upang gamiting ebidensya laban sa kanila. Ang mga batang ito ay napatalsik sa kanilang institusyon dahil sa paglabag ng kanilang student code kahit pa naka- “Friends Only” lang ang larawang ito. Ayon sa Supreme Court, ang mga ganitong paglalagay ng post sa Facebook ay hindi saklaw ng proteksyon na ibinibigay ng ating Saligang Batas. Ibang usapan naman kung ang setting ng larawan ay naka- “Only Me”, dahil may intensyong manatiling lihim ang nilalaman ng kanilang mga account (Vivares v. STC, G.R. No. 202666, September 29, 2014) .

Tunay ngang napakadali ngayong gumamit ng teknolohiya ngayon. Ngunit ang hindi natin napapansin ay nakalilimutan nating maging responsable sa paggamit nito. Hindi lamang sa larangan ng paggamit ng internet o ng mga social media platforms pero pati na rin ang iba pang mga kagamitang dala ng makabagong teknolohiya. Kaya naman lagi nating dapat tandaan na kaakibat ng paglaganap ng makabagong teknolohiya sa ating panahon ay ang mabigat na tungkulin sa wastong paggamit nito. Tunay nga na kaakibat ng dakilang mga bagay ay ang dakilang responsibilidad sa bagay na ito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *